
Batay sa Saligang Batas, “Ang Pilipinas ay isang demokratiko at republikang Estado. Nasa mga mamamayan ang kapangyarihan nito at nagmumula sa kanila ang buong pamunuan ng pamahalaan.”
Wow. Parang ang sarap basahin. Ang mga mamayan ang boss. Sila ang nagluluklok sa mga pinuno ng bayan sa pamamagitan ng halalan. Pero sila ba ang nasusunod? Sila ba ang nakikinabang? Mahirap yata tayong mapaniwala sa ganyang mga pananalita sapagkat hindi naman talaga patas ang laban ng mga mahihirap at mayayaman sa mata ng hukuman at batas.
Ibigay natin ang halimbawa ng pagkakakulong ng mga mahihirap. Diba para silang sardinas sa kanilang mga selda kung saan malimit ay walang sapat na lugar kung saan sila sabaysabay na matutulog ng nakahiga. Sa kakulangan ng espasyo, may natutulog ng nakaupo sa lapag at ilalagay nalang nila ang mga ulo nila sa kanilang mga tuhod. O diba, de may tatlo o apat na makakaidlip sa ganoong paraan kaysa sa isa lang ang makatulog na pahiga o padapa. Yun namang may mga mapagsasabitan ng mga duyan ay nakakapagtali ng matutulugan kaya masarap ang tulog nila. Walang katabi at gumagalaw pa kaya mahimbing ang tulog nila. O kaya naman ay may mga nakatayo at nagiintay ng panahon o takdang oras kung kailan sila maaring matulog. Eka nga ay halinhinan na parang shifting sa dalawamputapat na oras sa pabrika.
Eh papaano naman makulong ang mga mayaman at may kapangyarihan? Dalawang dating Pangulo ng Republika ng Pilipinas ay humimas ng rehas. Si Erap na pinakulong ni GMA at si GMA naman na piniit ni P-Noy. Parehong dumaan sa tinatawag na HOSPITAL ARREST. Eka nga ay malaking silid sa pagamutan kung saan kumpleto sa karangyaan, pagkain at mga nakabantay na mga pulis. Sa Veterans Memorial Medical Center, masaya ang buhay ng mga kawani sapagkat laging may handaan kung saan marami ang nabusog. Nilipat naman si Erap sa Tanay kung saan mayroon siyang rest house o mansion kaya HOUSE ARREST naman ang naging estado niya. Nahatulan si Erap sa kasalanang PANDARAMBONG ngunit hindi nagtagal ay binigyan naman siya ng PRESIDENTIAL PARDON. Nakuha pang tumakbong muli si Erap sa pagkapangulo nuong 2010 ngunit pumangalawa lamang siya kay P-Noy.
Sumunod naman sa Veteran Memorial Medical Center si GMA na nakakatanggap ng maraming bisita na pingungunahan ng mga dating opisyal niya sa gabinete. Napawalang bisa ang kasong PANDARAMBONG kaugnay ng PCSO funds bagamat nakakulong siya mula 2011 hanggang 2016 sapagkat ang kaso niya ay non bailable.