
Sabi nila na mapalad daw ang bansang Pilipinas dahil marami itong LIKHANG YAMAN (natural resources). Totoo naman na malaki ang lupain ng ating bansa (pang 72 sa 195 na nakalista) kaya malawak ang maaring taniman ng palay, niyog, asukal, mga gulay at punong mapagkukunan ng mga prutas. Andyan din ang karagatan, mga dagat at lawa na napaghuhulihan ng mga isda. Sa lupa naman ay may ginto, pilak, tanso at marami pang ibang magagamit sa paggawa ng bakal, yero at mga piyesa ng mga sasakyan at computer. Andiyan pa ang mga lugar at tanawin na sikat sa buong mundo (Banawe Rice Terraces, Boracay, Palawan, Anilao, Mayon Volcano, Siargao, Bohol at Manila Bay sunset).
Swerte talaga ang Pilipinas at ang mga Pilipino (mga masipag at masiyahing mga tao). Yun lang ay sa gitna ng dapat kayamanan at kaunlaran, marami ang naghihirap at walang sapat na makain sa buong araw.
Paano nangyari yon? Kahirapan sa gitna ng lahat ng biyaya at kagutuman sa mga magsasaka na nagtatanim ng ating mga makakain. Sa mga lungsod naman ay nagsisiksikan ang mga walang trabaho o kung may kaunti mang pagkakakitaan ay hindi sapat makaahon sa pangarawaraw na paghahanap ng pantawid gutom.