Nagumpisa na mamigay ng food packs ang Mayora ng Quezon City. Tama lang na sumunod siya sa utos ng ating Pangulo upang makatulong sa mga walang hanap buhay at doon din sa mga may trabaho ngunit hindi naman makapasok dahil sarado ang mga opisina. Batid ng lahat na marami ang isang kahig, isang tuka, lalo pa sa Quezon City kung saan tambak ang mga informal settlers. Nagtatanong nga lang ang mga netizens kung bakit tila mga bahay na may mga gate at garahe ng sasakyan ang mga nabiyayaan. Sa lipunang Pilipino kasi yung may mga bahay na ganyan ang itsura ay nabibilang na sa tinatawag na MIDDLE CLASS. Hindi ganyan ang laki at pagkagawa ng mga tahanan ng mga POOREST of the POOR. Sapagkat may hangganan naman ang kakayanan ng lungsod mamahagi ng pagkain at personal effect sa ilang daan libong taga QC, hindi ba dapat pinipili ang bibigyan at yung maaring mamatay sa gutom ang dapat unahin. Hindi rin natin alam kung ilang linggo tatagal itong COVID 19 pandemic. Sa ngayon isang buwan ang COMMUNITY QUARANTINE. Umaasa tayo na sapat na yung panahon na iyon para mapuksa ang sakuna. Ang problema ay wala tayong kasiguraduhan kung hanggang kailan tatagal ang ating Kalbaryo (na malapit na ang Mahal na Araw), kaya dapat hinayhinay sa pagmudmod ng mahalagang pagkain. Piliin mabuti ang pagbibigyan sapagkat yun namang may pambili ng pagkain ay kayang tustusan ang mga sarili nila. Yun talagang walangwala ang dapat tutukan.