
Bagamat malayo pa ang Halalan 2022 at marami pang maaring mangyare, may mga kandidato na sa ngayon ay malabo nang manalo. Sa pagkapangulo, sa limang sikat na mga kalahok, si Senator Ping Lacson ang nahuhuli at tila hindi na kayang paakyatin pa ang kanyang mga numero. Batid ng lahat na mayroon siyang mga masugid na mga tagasuporta at nasa ilang milyon din ang kayang hakutin ni Ping na mga boto, pero nakapako pa rin siya sa number 5. Kung sa pagkasenador lang siya tumakbo ay sigurado naman siyang mananalo kaya ang tanong ng lahat ay bakit pa nagaambisyon sa mas mataas na posisyon na may pagkatalo (dati na siyang hindi pinalad sa kampanyang pangpresidente) at hindi na nakuntento sa pagkasenador.
Batay sa mga sarili niyang mga pananalita, ang pinagpilian niya ay kung tatakbo ba sa pagkapresidente o magpapahinga muna siya sa pulitika. Hindi kasali ang pagtakbo muli sa pagkasenador sa kanyang pinagpilian. Tila nagpapahayag siya ng pagkasawa sa Senado kung saan isa lamang siya sa 24 na puro talumpati at debate ang ginagawa kaya gusto niya maging punong abala ng buong Pilipinas kung saan siya ang magpapatakbo ng pamahalaan sa halip na gumawa ng batas.