Laglag ang mga PANGA ng ibang mga nagpaplanong tumakbo bilang Presidente at/o Bise Presidente sa 2022
Ilang ulit na sinasabing hindi raw tama na magdeklara kaagad ang mga nagaambisyong maging Pangulo at/o Pangalawang Pangulo. Ang laging halimbawa ay ang Bise Presidente na si Jejomar Binay, matagal na alkalde ng mayamang lungsod ng Makati. Sa kagulatgulat (sapagkat ang mga dating senador Mar Roxas at Loren Legarda ang nangunguna sa mga survey) na pagwawagi ni Jojo Binay, namangha ang lahat sapagkat nuong 2010 palang ang una niyang sabak sa pambansang pulitika. Bagamat si Erap ay matagal ding naging mayor ng San Juan, dumaan muna siya sa pagkasenador bago naging bise presidente at presidente. Hindi pa halos nagiinit sa pwesto ang bagong halal na Bise Presidente Binay ay nagsabi na siya na natural lamang sa isang Bise Presidente na maghangad makuha ang pinakamataas na posisyon ng ating bansa. Sa madaling salita, 2011 palang ay pinagplanuhan na siyang patumbahin ng kalabang partido na Liberal Party. Batid ng lahat kung papano ginisa at ginulpi si Mayor Jojo sa Senado sa pamumuno nila Senador Pimentel, Cayetano at Trillanes. Pagdating ng 2016 Presidential elections, si Jejomar ay pinulot sa pangapat na pwesto sa likod ng nanalong Mayor Rodrigo Duterte, Mar Roxas na pumangalawa at Grace Poe na pumangatlo.
Ngayon naman, si Davao City Mayor Sara Duterte ang namumuro na pumalit sa tatay niya bilang Pangulo. Ngunit hindi siya sumunod sa pagkakamali sa paganunsyo agad na balak niyang maging Presidente. Palagi lang niyang sinasabi na masyado pang maaga, maski lagpas na ng kalahati ang anim na taong termino ng kaniyang tatay. Sa pagiwas sa lantarang pagpapakita na interesado pala talaga siya, hindi pa siya agad mabanatan ng mga kalaban kagaya ng nangyari kay Jojo Binay. Magugunita na strategy talaga ng mga Duterte ang ayaw kunwari tumakbo para sa alkalde kaya halos dapat pa sila PILITIN ng mga taumbayan. Nuong 2016 Presidential elections, si Digong ay hindi nagsumite ng certificate of candidacy nuong October 2015 last day of filing kaya hindi siya nabato ng putik sa panahong nagsasabong sila Jojo Binay, Mar Roxas at Grace Poe. Nuong November 30, 2015 lamang lumantad si Tatay Digong bilang kandidato sa pagkapangulo sa pamamaraan ng SUBSTITUTION ROUTE (umatras ang kapartido sa PDP na si Martin Dino at si Rody Duterte ang pumalit). Makasaysayan ang pagkapanalo ni Digong sapagkat napagiwanan niya lahat ng kalaban.
Para naman sa 2022, maliban kay Sara Duterte may ilang nagpapahiwatig na gusto nilang tumakbo bilang pangulo. Alam naman natin na madalas kapag masyadong masikip na sa posisyon ng Presidente ay may mga bababa naman sa pagkabise presidente. Andiyan sina VP Leni Robredo, Manny Pacquiao, Isko Moreno, Cynthia Villar, Grace Poe, Bong Bong Marcos, Richard Gordon at Panfilo Lacson. Sapagkat dati nang tumakbo sina Gordon (2010) at Lacson (2004) bilang pangulo at hindi naman sila nagpakita ng kakayanang manalo nuon, malamang ay maski sa 2022 hindi na nila kayang makakuha ng boto para magwagi bilang pangulo o pangalawang pangulo. Dahil naman matagal pa ang 2022 baka baguhin nila ang kanilang pamamaraan at umangat pa sila sa survey pero sa ngayon, hanggang saling pusa nalang muna ang dalawa.
Si Leni Robredo ay nagsasabi na handa siyang tumakbo bilang Presidente. Tandaan natin na si VP Leni ang pinakamataas na halal na opisyal na galing sa hanay ng oposisyon kaya nararapat lang na siya ang mamuno sa ticket ng Liberal Party sa 2022. Ang problema lang ni Leni ay NABOKYA ang Partido Liberal sa walo nilang kandidato sa pagkasenador nitong 2019. Ibig sabihin na sa 12 pwestong pinaglabanan, hindi sila nakapanalo ng maski isa. Nakakahiya na si dating senador Mar Roxas na tumakbo bilang Bise Presidente nuong 2010 at Presidente nuong 2016 ay natalo pa bilang senador ngayong 2019. Natalo din si re-electionist Bam Aquino na galing sa makapangyarihang dynasty ng mga Cojuangco Aquino (Senator Butz Aquino, President Cory Aquino, Senator at President Noynoy Aquino).
Sila Senador Manny Pacquiao at Manila Mayor Isko Moreno ay malakas ang dating. Ang isa naman sa pinakamayamang tao sa buong Pilipinas na si Senadora Cynthia Villar, number one senator ngayong 2019, ay nagiisip ding tumakbo para sa masmataas pang posisyon. Si Senadora Grace Poe ay natalo na sa pagkapangulo ngunit number two pa rin siya sa 2019 senatorial elections. Si dating senador Bong Bong Marcos, natalo bilang Bise Presidente nuong 2016 ay naghahangad maging Presidente o Bise Presidente.
Ngayong may survey na Sara Duterte for President at Digong for Vice President, halos hindi alam ng mga nagaambisyon kung saan sila lalagay. Kaya ba ng isa sa kanila talunin si Sara sa pagkapangulo? Malamang hindi. Kaya ba ng isa sa kanila talunin si Digong sa pagkabise presidente? Malamang hindi rin.
Gaya ng sabi ng marami, masyado pang maaga. Gusto ba talaga tumakbo ni Sara na pamalit sa tatay niya? Kaya pa ba ni Digong tumakbo bilang Bise Presidente sa kaniyang edad at estado ng kalusugan? Eh kung manalo si Sara at Digong, ano ba naman na sa kaunting sakit mapilitan o magdahilan si Rody na hindi na kaya ng katawan niya at bumitiw sa pagkabise presidente. Eh si Sara ang pipili ng magiging kapalit na bise presidente. Kinukuha yan mula sa mga kasalukuyang senador at kongresista. Malamang si SAP at ngayong senador Bong Go na ang makuha. Kung naniniwla kayo na si Bong Go ay isang CLONE ni Digong at nakakalam ng lahat ng iniisip at plano ni Tatay Digong, eh de madali siyang tatanggapin ng taumbayan. Napatunayan na ito nitong 2019 senatorial elections kung saan PUMANGATLO si SAP sa 12 nagwagi. Boto para kay Tatay Digong yon maski hindi naman siya kandidato, kasi Presidente siya. Genius talaga yung nagpasurvey. Pansinin ninyo, sa Visayas at Mindanao lang tinanong ang mga botante. Laglag tuloy ang mga taga Luzon at Metro Manila. Ngayong alam na ang magiging boto ng VisMin, magsusubok pa ba ang mga taga Luzon at NCR tumakbo eh makakakuha pa rin ng boto sila Sara at Digong sa Luzon at NCR? Alalahanin ninyo na sa December 2019 popularity survey 87% ng buong bansa ang pabor kay Digong. Ang tawag diyan ay TRIAL BALOON, sinusubukan lang palutangin ang Duterte-Duterte tandem, eh mukhang pumatok sa takilya.
waving for President: Sarah Duterte-Rody Duterte for V.P.2020 the BEST TANDEM
LikeLike
Sarah must run for Presidency to continue PRRD’S LEGACY for good governance
LikeLike